Mga tala para sa patnubay
Maaari itong makatulong sa pagtukoy sa mga indibidwal, organisasyon, at institusyon na kakampi at kalaban mo. Kakampi mo ang mga taong pinagkakatiwalaan mo at naninindigan kasama mo o para sa iyong adhikain. Posibleng mayroon silang mga network at iba pang madudulugan, kasama rito ang pondo, na magagamit para mapaigting ang iyong kaligtasan at seguridad o mapapakinabangan para maproteksyunan ka sakaling makaranas ka ng mga pang-aatake, panliligalig, o pambubusal. Magiging mas mabisa ang pakikipag-ugnayan sa mga kakampi kapag alam mo kung ano ang mga madudulugang ito at umaapela ka sa mga motibasyon at priyoridad ng bawat kakampi.
Kabaligtaran nito, posibleng subukan ng mga kalaban mo na siraan o atakihin ka o ang iyong organisasyon. Malamang na nalalagay sila sa panganib dahil sa iyong mga aktibidad at may mawawala sa kanila kung magtatagumpay ang iyong ginagawa. Sila ay maaaring mga samahan ng mga kriminal, armadong grupo, makapangyarihang negosyo, o opisyal ng pamahalaan at politiko. Mauunawaan mo nang mas mabuti ang banta ng mga kalaban na ito kapag isinaalang-alang mo ang mga malamang na layunin nila at ang mga kakayahan nila. Halimbawa, puwedeng gusto kang patahimikin ng isang troll sa social media pero limitado lang ang kaya niyang gawin; samantalang maaaring gusto kang saktan ng mga lokal na puwersang panseguridad at mayroon silang kakayahan at kalayaang isakatuparan ang layuning iyon.
Sa usapin ng panganib, tumutukoy ang ‘kadaliang maatake o maapektuhan’ sa pagkakaroon ng banta sa iyo; wala itong kinalaman sa kahinaan. Posibleng may banta, pero kung hindi ito para sa iyo, o hindi ka madaling maaapektuhan nito, hindi ito panganib na puwede mong makaharap. May panganib kapag madali kang maaapektuhan ng mga banta. Bagama't galing sa iba ang karamihan ng mga banta, karaniwang likas ang mga salik na nagpapatindi sa kadalian mong maatake o maapektuhan. Nauugnay sa iyong ginagawa ang ilan sa mga ito: halimbawa, ang mga isyu na kinakampanya mo o ang mga ginagamit mong diskarte. Karaniwang may kakayahan kang kontrolin at pagpasyahan ang mga salik na ito. Posibleng nauugnay ang iba pang salik sa iyong personal na pagkakakilanlan, at kasama rito, halimbawa, ang iyong seksuwal na oryentasyon, kinikilalang kasarian, edad, etnisidad, o nasyonalidad. Bagama't hindi mo makokontrol ang mga katangiang ito, mahalaga pa ring maunawaan kung paano posibleng mapatindi o mabawasan ng mga ito ang kadalian mong maatake o maapektuhan ng mga banta sa iyo.
Hindi pare-pareho ang tindi ng panganib na puwede mong makaharap sa lahat ng banta sa iyo. Matutuklasan mo ito kapag sumunod ka sa isang sistematikong proseso para pag-aralan ang posibilidad na mangyari ang bawat banta at ang epekto nito kung mangyari ito. Sa pamamagitan nito, mauunawaan mo nang mas mabuti kung aling mga panganib ang dapat mong pagtuunan para mabawasan. Lalo itong mahalaga kung kumikilos ka nang kaunti lang ang mga madudulugan o kakampi.
Magsimula sa paglilista sa lahat ng partikular na banta na maaaring makasama sa iyo at ilarawan kung paano ka nalalantad sa bawat isa sa mga ito. Direkta (nakapuntirya) ang banta sa iyo ng mga kalaban. Hindi direkta ang iba pang banta na puwedeng makasama o makasakit sa iyo. Mahalagang isaalang-alang ang kaligtasan, mga isyung medikal at pangkalusugan, at mga usaping panseguridad. Dapat mo ring isaalang-alang ang mga banta sa iyong digital na seguridad at kalagayan kasama ng mga pisikal na banta.
Kung iisipin ang kadalian mong maatake o maapektuhan, bigyan ang bawat banta ng score mula 1 hanggang 5 (napakaliit ng posibilidad hanggang napakalaki ng posibilidad) para sa posibilidad na mangyari ito at ng score mula 1 hanggang 5 (puwedeng balewalain hanggang napakahalaga) para sa magiging epekto nito sa iyo o sa iyong ginagawa. Kapag na-multiply mo ang iyong mga score para sa posibilidad at epekto para sa bawat banta, makakakuha ka ng rating ng panganib na mula 1 hanggang 25. Puwedeng ituring na talagang mababa ang mga panganib na may rating na 1–3; mababa ang mga panganib na may rating na 4–6; katamtaman ang mga panganib na may rating na 8–10; matindi ang mga panganib na may rating na 12–16; at talagang matindi ang mga panganib na may rating na 20 o 25. Ito ang tinatawag na kaakibat (o ganap) na panganib.
Dapat mong pana-panahong isagawa ang pagtatasa na ito, bilang tugon sa mga bago o nagbabagong banta o kadaliang maatake o maapektuhan, o kapag nagkaroon ng anumang makabuluhang pagbabago sa politika, ekonomiya, lipunan, o batas.
Kapag nauunawaan mo na nang mas mabuti ang mga panganib na iyong kinakaharap, makakapag-isip ka ng mga hakbang na partikular sa mga ito para mabawasan ang mga nasabing panganib. Magagawa mo ito kapag pinaliit mo ang posibilidad at/o binawasan mo ang epekto ng bawat banta pagkatapos nang naaayon sa plano. Dapat mong pagtuunan ang pagtugon sa kadalian mong maatake o maapektuhan, dahil kontrolado mo ang ilan sa mga ito. Puwedeng mahirap kung minsan na pigilan ang posibilidad na mangyari ang isang banta, pero maaari mo pa ring malimitahan ang epekto nito. Tandaang malamang na mas matipid at mas mabisa ang paggawa ng mga simpleng pagbabago sa iyong gawi at kasanayan sa pagkilos kumpara sa paggamit ng mga teknikal na solusyon. Kapag inayos mo ang mga hakbang na ito sa isang listahan, magkakaroon ka ng simpleng plano para sa pagbabawas ng panganib, na dapat mong regular na suriin.
Kung marami kang kinakaharap na banta, maaaring makatulong kung pagpapasyahan mo kung alin ang mga unang dapat pagtuunan. May ilang paraan para magawa mo ito. Puwede mong piliing tanggapin ang panganib, iwasan ito, ilipat o ibahagi ito sa iba, o pangasiwaan ito. Halimbawa, maaari mong pagpasyahan na handa mong tanggapin sa ngayon ang anumang panganib na katamtaman o mababa, pero iiwasan, ililipat, o papangasiwaan mo ang lahat ng panganib na matindi o talagang matindi. (Tinatawag na threshold ng panganib na handa mong harapin ang punto kung saan hindi ka handang tumanggap ng panganib kapag lampas ito rito.) Sa pamamagitan nito, maitutuon mo ang pagsisikap at limitadong madudulugan mo para sa pagbabawas sa mga matindi at talagang matinding panganib na hindi mo maiiwasan o maililipat.
Puwede mo ring muling tasahin ang mga panganib na magkakaroon ng mga bagong score para sa posibilidad at epekto pagkatapos isagawa ang mga hakbang sa pagbabawas. Tutukoy ang mga bagong rating sa natitira (o nalalabi) na panganib na puwede mong makaharap. Tandaang puwedeng lampas pa rin ang ilan sa mga ito sa iyong threshold ng panganib at kakailanganin pang pagtuunan ang mga ito para mapababa ang panganib sa katanggap-tanggap na tindi.
Likas na kumikilos ang ating mga isip para mabilisang ituring na normal ang mga pagbabago sa ating kinikilusan. Isa itong talagang magandang bagay kung kalusugan ang usapan. Pero kung seguridad ang usapan, maaari itong maging dahilan ng pagpapalampas natin, o maging pagbabalewala natin, sa mga pagbabago na maaaring magpahiwatig ng mas matinding panganib na puwedeng makaapekto sa atin o sa ating ginagawa.
Para malabanan ito, bantayan ang mga tao at bagay na nasa paligid mo at maging alisto sa tinatawag ng militar na ‘pagkawala ng normalidad at pagkakaroon ng abnormalidad’. Nilalayon mong maging alisto nang mahinahon. Bantayan ang mga indibidwal na pumapasok o umaalis sa buhay mo sa araw-araw o ang mga pagbabago sa gawi ng mga taong nakapaligid sa iyo. Puwedeng kasama rito ang mga pagbabago sa tono o dalas ng panliligalig o pagtindi ng mga atake sa iyo at sa mga katrabaho mo. Maging alisto rin sa mga bagong bagay sa iyong paligid, gaya ng mga sasakyan o aparato, o mga bagay sa mga hindi pangkaraniwan o hindi inaasahang lugar. Sa pagtitiyak na alisto ka sa sitwasyon, maaari mong mahulaan ang mga gagawin laban sa iyo at mabibigyan ka nito ng oras para makatugon nang naaayon dito.
Dapat kang gumawa ng mga aksyong pang-iwas kung sa tingin mo ay maaaring may bagong banta o tumindi ang panganib batay sa mga pagbabago sa iyong kapaligiran o sa gawi ng iyong mga kalaban. Maaaring kasama sa mga ito ang pagtalakay sa mga pagbabago sa mga kaibigan, kapamilya, at katrabaho para subukang unawain nang mas maayos ang sitwasyon; pagbabago sa iyong mga plano sa pagbibiyahe o paglipat sa mas ligtas na lokasyon; o pagpapaalam sa iyong mga network ng suporta na sa tingin mo ay may kinakaharap kang mas matinding panganib at paghingi sa kanila ng tulong.
Sa pagtatakda ng oras kung kailan ka makikipag-ugnayan sa hinirang na contact para sa kaligtasan bawat araw, mababawasan ang oras na aabutin bago mag-alerto tungkol sa panganib o magpakilos ang iyong network ng suporta kapag may anumang nangyari sa iyo.
Sa mga lokasyon o panahon na lubhang mapanganib, puwedeng kasingdalas ng kada 30 minuto ang mga ‘pag-check in’ na ito. Sa mga lokasyon o panahon na hindi masyadong mapanganib, puwedeng isang beses kada araw lang ang mga pag-check in na ito, sa gabi. Kailangan ninyong magkasundo ng iyong contact para sa kaligtasan kung ano ang praktikal at naaangkop. Mahalagang nakaayon ang iskedyul ng pag-check in sa mga regular na oras sa araw sa halip na kung kailan ka inaasahang darating o aalis sa mga partikular na lokasyon. Sa pamamagitan nito, maiiwasang may mapalampas na pag-check in at mapag-alala ang iyong contact para sa kaligtasan kapag nagkaroon ng anumang pagkaantala sa iyong mga biyahe.
Mahalagang magkasundo kayo ng iyong contact para sa kaligtasan tungkol sa mga gagawin niyang aksyon kung may mapalampas kang pag-check in. Makatuwirang magkaroon ng hanay ng mga tugon na tumitindi batay sa bilang ng oras na lumilipas mula sa napalampas na pag-check in. Makakatulong kung may access ang iyong contact para sa kaligtasan sa iyong iskedyul, para matukoy niya ang huling nalalamang lokasyon mo kung posible. Kung nasa ibang bansa ang iyong contact para sa kaligtasan, isaalang-alang ang mga pagkakaiba sa time zone at ang posibilidad ng pagkakaroon ng anumang isyu sa koneksyon na maaaring magdulot ng maling akala. Magagawa rin dapat ng mga contact para sa kaligtasan na nasa ibang bansa na mapakilos ang iyong lokal na network ng suporta para subukang hanapin ka.
Mas malamang na atakihin o ligaligin ka ng mga kalaban kung sa tingin nila ay madali kang atakihin o puntiryahin. Isang praktikal na paraan kung paano ka masusuportahan ng iyong mga lokal na kakampi ang pagsama sa iyo sa mga mapanganib na panahon o pagbiyahe kasama mo sa mga mapanganib na lokasyon. Maaaring mapigilan ang mga aksyon ng kalaban kapag may ibang tao kang kasama, o sakaling ituloy nila ang mga ito, may makakasaksi sa mga ito, kaya posibleng masyadong maraming mawala sa kanila at sapat na dahilan ito para hindi sila kumilos pansamantala.
Tandaang maaaring nalalagay sa panganib ang mga katrabaho at iba pang tao na sumasama sa iyo o bumibiyahe kasama mo. Kung tuloy-tuloy at matindi ang mga banta sa iyo, mainam na humiling ng internasyonal na pamproteksyong suporta mula sa espesyal na organisasyon, gaya ng Peace Brigades International. Ang pamproteksyong suporta ay isang hindi marahas ngunit lantad na diskarte para sa pagprotekta sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao at nanganganib na komunidad. Kinakatawan ng mga volunteer na suporta ang internasyonal na pagpapahalaga sa mga karapatang pantao. Alam ng mga kalaban na hindi lang basta masasaksihan ang anumang pang-aatake sa mga tagapagtanggol na may mga kasamang volunteer mula sa ibang bansa; malamang na magkaroon din ito ng epekto sa usaping legal, politika, diplomasya, o ekonomiya.
Kung makulong, madakip, o masaktan ka, maaaring kailanganin ng iyong pamilya o iba pang hinirang na gamitin ang iyong mga dokumento sa pananalapi at dokumentong legal o malaman ang mga nais mo para sa mga ito at iba pang mahalagang aspekto. Kaya naman, dapat kang magsulat o magbago ng habilin o testamento at dapat mo itong itabi kasama ng iba pang mahalagang dokumento sa isang ligtas na lugar na puwedeng buksan ng mga pinagkakatiwalaang tao alinsunod sa mga napagkasunduang sitwasyon. Isaalang-alang ang kahalagahan ng seguridad, ang dali ng pagbubukas, at ang posibilidad ng hindi sinasadya o sinasadyang pagtatanggal o pagsira kapag nagpapasya kung pisikal na lokasyon, gaya ng may kandadong drawer o safe, o naka-encrypt na digital na file dapat ang pipiliin mong ligtas na lugar.
Kung hindi ka makakapagtrabaho sa anumang dahilan, maaaring mahirapan ang iyong mga katrabaho at partner na ipagpatuloy ang mga aktibidad at operasyon kapag wala ka. Upang matugunan ito, dapat kayong sama-samang bumuo ng plano na nagbabalangkas sa mga pangunahing responsibilidad mo at nagsasaad sa sasalo sa bawat isa at sa impormasyon at sanggunian na kakailanganin nila para magampanan ito. Pagkatapos, dapat mong ibahagi ang planong ito sa mga katrabaho at iba pang nauugnay na stakeholder upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng hindi pagkakasundo o hindi pagkakaunawaan.
Kung makulong ka o may mangyari sa iyo na mas malala, maaaring pagbantaan ng mga kalaban ang iyong pamilya at mga katrabaho. Mahalagang isaalang-alang ito sa iyong pagpaplano para sa seguridad at anumang maaaring mangyari. Posibleng kailanganin ng mga malapit sa iyo na magtago, humingi ng tulong sa isang embahada o iba pang lugar, lumipat sa ibang bahagi ng bansa, o umalis ng bansa. Mahalagang gumawa sila ng mga praktikal na plano para sa bawat opsyon habang maaga pa upang magawa nila ang mga pinakaangkop na aksyon kahit biglaan para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Lubhang naiiba ang pagsasanay para sa seguridad na naaangkop sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao kumpara sa pagsasanay sa pagiging alisto sa mapanganib na kapaligiran na karaniwang ginagawa sa mga sektor ng kawanggawa o negosyo. Karaniwang idinisenyo ang ganoong uri ng pagsasanay para sa seguridad para sa mga internasyonal na kawani ng mga organisasyong maraming madudulugan na maaaring makaranas ng mga hindi direktang banta ng mga marahas na kriminal o armadong grupo. Kabaligtaran nito, ang mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao at ang mga nagtatanggol sa mga karapatan sa lupa, karapatan sa kapaligiran, at karapatan ng mga katutubo ay mas malamang na mga lokal na miyembro ng komunidad na kaunti lamang ang madudulugan at nahaharap sa mga direktang banta ng mga kalaban na talagang may kakayahan at kadalasang suportado ng estado o mga korporasyon.
Nakatuon dapat ang pagsasanay para sa seguridad para sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao sa pagpapaunawa sa personal na panganib at pagsasaalang-alang sa mga salik na kasarian at iba pang personal na katangian. Dapat hangarin ng mga tagapagsanay na bumuo ng mga diskarte at taktikang panseguridad kasama ng mga kalahok at isama ang marami sa mga hakbang na nakasaad sa patnubay rito kaugnay, halimbawa, ng pagiging alisto sa sitwasyon, iskedyul ng pag-check in, pagkuha ng suporta, at pagpaplano para sa anumang maaaring mangyari. Mahalagang komprehensibo ang pagsasanay, at hindi ito limitado sa pisikal na kaligtasan at seguridad at kasama rito ang digital na seguridad at mga isyu sa kalagayan at katatagan.
Mainam ding pag-isipang sumailalim sa pagsasanay para sa advanced na paunang lunas kung palaging may malaking banta ng pisikal na pananakit sa iyo o nakatira at nagtatrabaho ka sa mga lugar kung saan kaunti lamang ang mga pagamutan. Dapat kasama sa naaangkop na pagsasanay ang mga pangunahing kasanayan sa paunang lunas, gaya ng basic life support, pero dapat din itong tumuon sa mga mas advanced na kasanayan, gaya ng paggamot sa malubhang pagdurugo at ligtas na paggalaw sa mga nasaktan. Dapat nitong talakayin ang mga nilalaman ng mga trauma kit at kung paano gamitin ang mga ito sa tamang paraan. Mahalaga ring kasama rito kung paano gamutin ang iyong sarili at kung paano mag-improbisa ng pangunahing kagamitan. Dapat kang pumili ng kurso na aabutin nang ilang araw, at may kasamang pagtalakay sa mga sitwasyon at mga praktikal na pagsasanay. Kapag natapos mo na ang pagsasanay, dapat kang bumili ng mga pang-indibidwal na trauma kit para sa iyong tahanan, sasakyan, at tanggapan kung posible.
Sa pagsasanay para sa seguridad at paunang lunas, mahalagang tumapos ng kursong refresher kada taon at kumpletong kurso kahit man lang isang beses kada tatlong taon upang maalala mo ang mga kasanayan at humusay ka sa pagsasagawa sa mga ito.
May iba't ibang tindi ng panganib na handang tanggapin ang bawat isa sa atin upang makamit natin ang ating mga layunin. Sa pangangasiwa ng panganib, tinatawag ito na ‘nasisikmurang panganib’. Kadalasang mas mataas ang nasisikmurang panganib kumpara sa iba ng mga nagtatanggol at nagsusulong sa mga karapatang pantao at karapatan sa kapaligiran. Gayunpaman, maging sa iisang organisasyon—o pamilya—may iba't ibang personal na nasisikmurang panganib. Para sa bawat isa sa atin, may punto na kapag nalampasan, nagiging masyado nang matindi para matanggap ang panganib—sa ating sarili o sa iba.
Sa pagsasaalang-alang sa iyong nasisikmurang panganib, mahalagang pag-isipan ang epekto sa iyong mga kaibigan, kapamilya, at katrabaho sakaling makulong ka o may mangyari pang mas malala. Ayos lamang na tanggapin mo ang napakatinding panganib na puwede mong makaharap para sa iyong adhikain, pero karaniwang responsable lang itong gawin kung may kakayahan ka, o ang iyong network ng suporta, na epektibong tumugon sakaling magkaroon ng insidente.
Mahalagang tandaan na malamang na magbago sa paglipas ng panahon ang iyong nasisikmurang panganib. Posible itong mangyari pagkatapos ng malaking pangyayari sa buhay, gaya ng pagkakaroon ng anak, pag-aasawa, o pagkamatay ng miyembro ng pamilya. Puwede rin itong mangyari pagkatapos ng isang insidente o muntikang insidente na nakaapekto sa iyo o sa isang katrabaho. Anuman ang dahilan, mahalagang tukuyin, unawain, at ipaalam sa iba ang anumang pagbabago sa iyong nasisikmurang panganib.