Ang Protokol
Ang Protokol sa Komprehensibong Seguridad para sa mga Tagapagtanggol ng mga Karapatang Pantao
Last updated
Copyright © Open Briefing Ltd, 2020-22. Some rights reserved. Licensed under a Creative Commons BY-NC 4.0 licence.
Ang Protokol sa Komprehensibong Seguridad para sa mga Tagapagtanggol ng mga Karapatang Pantao
Last updated
Ang Protokol sa Komprehensibong Seguridad para sa mga Tagapagtanggol ng mga Karapatang Pantao (ang Protokol ng Tagapagtanggol) ay nakakatulong sa ating tiyakin ang ating pisikal na kaligtasan, digital na seguridad, at kalagayan at katatagan. Sa pagsunod sa Protokol, pinapaigting natin ang ating seguridad bilang indibidwal at bilang pangkat, at maaari nating mabawasan ang mga pang-aatake, panliligalig, at pagbubusal sa atin at sa ating mga komunidad.
Ginawa ng Open Briefing ang Protokol ng Tagapagtanggol at naging posible ito dahil sa suporta ng National Endowment for Democracy, Ford Foundation, at Oak Foundation.
Nakabatay ang Protokol ng Tagapagtanggol sa mga karanasan ng Open Briefing sa pakikipagtulungan sa mga nanganganib na tagapagtanggol sa iba't ibang panig ng mundo. Gayunpaman, may mahahalagang pagkakaiba ayon sa lokalidad na hindi maisasaad sa pangkalahatang patnubay, at dapat mong iayon ang Protokol upang bumagay sa iyong sitwasyon, gawain, at profile.
Hangaring maunawaan at mapangasiwaan nang mas maayos ang mga panganib na iyong kinakaharap:
Isipin kung sino ang iyong mga kakampi at kalaban. Unawain ang mga madudulugan at network na maaaring gamitin ng iyong mga kakampi upang ipagtanggol ka. Unawain ang mga kakayahan at layunin ng iyong mga kalaban upang mas maayos mong maisaalang-alang ang kanilang banta.
Isipin kung paano tumitindi o nababawasan kung gaano ka kadaling atakihin o kadaling maapektuhan ng mga banta dahil sa iyong ginagawa, pagkakakilanlan, mga diskarte, at iba pang salik at katangian.
Pag-aralan ang posibilidad na may mangyaring pang-aatake o iba pang insidente at ang magiging epekto nito kung mangyari ito upang maunawaan ang tindi ng panganib na puwede mong makaharap.
Gumawa ng mga kongkretong hakbang upang mapaliit ang posibilidad at/o mabawasan ang epekto ng mga panganib na puwede mong makaharap.
Maging alisto sa mga nangyayari sa paligid mo at sa anumang pagbabago sa mga tao at bagay na nakapaligid sa iyo.
Hilingin sa isang pinagkakatiwalaan at may kakayahang kaibigan, katrabaho, o kapamilya na maging iyong contact para sa kaligtasan. Kapag matindi ang panganib, pauna siyang abisuhan kung saan ka pupunta, kung ano ang gagawin mo, at kung kailan ka babalik. Makipag-ugnayan sa iyong contact para sa kaligtasan sa mga napagkasunduan ninyong regular na oras buong araw. Pagkasunduan ninyo kung ano ang gagawin niya at kung kanino siya makikipag-ugnayan kung wala siyang maririnig mula sa iyo.
Kapag lubhang mapanganib ang panahon o lokasyon, bumiyahe kasama ng mga kaibigan, kapamilya, o katrabaho o humiling ng internasyonal na pamproteksyong suporta.
Ihanda ang iyong pamilya at mga katrabaho upang mas madali nilang makayanan kung mangyari man ang pinakakinakatakot ng lahat:
Gumawa ng habilin at tiyaking alam ng iyong pamilya kung nasaan ang mahahalaga mong dokumento sa pananalapi at dokumentong legal.
Bumuo ng plano ng pagpapatuloy kasama ng mga katrabaho upang patuloy silang makapagtrabaho kahit wala ka.
Tulungan ang iyong pamilya at mga katrabaho na bumuo ng mga plano upang magawa nilang lumipat, makapagtago o makahingi ng asylum, o masiguro sa iba pang paraan ang kanilang kaligtasan mula sa anumang pagganti.
Kung posible, tapusin ang pagsasanay para sa komprehensibong seguridad na idinisenyo para sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao. Pag-isipan ding tapusin ang pagsasanay para sa advanced na paunang lunas at bumili ng mga pang-indibidwal na trauma kit para sa iyong tahanan, sasakyan, at opisina.
Unawain ang tindi ng panganib na maaaring makaharap mo at ng iyong pamilya na handa mong tanggapin. Huwag matakot na humingi ng tulong o huminto sa pagtatrabaho kung maging mas lubhang mapanganib ang sitwasyon kaysa sa handa mong harapin.
Isaalang-alang ang iba't ibang uri ng impormasyon na hawak mo at hangaring maunawaan nang mas mabuti ang halaga ng mga ito sa iyong gawain at ang mga panganib na puwedeng makaharap mo at ng iba pa kung ma-access ang mga ito ng nang-aatake. Magtakda ng mga karagdagang pag-iingat upang maprotektahan ang mga pag-aari na may pinakamalaking halaga o maaaring magdulot ng pinsala.
Kung kailangan itong ibahagi, ipaalam ang sensitibong impormasyon sa mga katrabaho nang personal o gamit ang mga tool sa pakikipag-ugnayan kung saan puwede kang gumamit ng end-to-end na encryption at mga awtomatikong nawawalang mensahe.
Tiyakin na ang anumang computer o mobile device na ginagamit mo ay:
Hindi pisikal na maa-access ng mga hindi pinapahintulutang tao.
Nanghihingi ng password o passcode para ma-unlock.
Mayroon ng pinakabagong available na bersyon ng operating system at lahat ng naka-install na app/software.
May naka-enable na encryption sa buong disk, kung legal ito sa iyong bansa.
May antivirus software at firewall na naka-install, na-update, at na-configure nang maayos.
Hindi naka-root o na-jailbreak at walang anumang naka-install na piniratang software.
Madalas na sina-shut down at pinapatay hangga't maaari, sa halip na sini-sleep o hina-hibernate lang.
Tiyakin na ang anumang online na serbisyo na ginagamit mo ay:
Nangangailangan ng komplikado at natatanging password para ma-access.
May naka-enable na two-factor authentication (2FA/2SV), kung available.
Gumamit ng VPN na nakatuon sa privacy kung ina-access ang internet sa pamamagitan ng pampubliko o hindi pinagkakatiwalaang network.
Tanggalin nang may seguridad ang sensitibong impormasyon sa lahat ng anyo at variation nito sa sandaling hindi na ito kailangan, at tiyaking hindi na ito mare-recover.
Tiyaking maayos ang tulog, at kasama rito ang pagtatakda ng mga regular na gawain sa gabi at maaliwalas na tulugan, kung posible.
Regular na kumain at tiyaking mainam sa kalusugan ang mga kinakain mo.
Regular na maglakad, mag-ehersisyo, o maglaro ng sport.
Tugunan ang pisikal na karamdaman o pinsala, at maglaan ng panahon para magpagaling.
Araw-araw na magmuni-muni at magnilay-nilay.
Huwag gumamit ng mga droga o alak bilang paraan ng pagharap sa stress o trauma.
Magpanatili ng relasyon sa mga kaibigan, kapamilya, katrabaho, at miyembro ng komunidad na puwedeng sumuporta sa iyo.
Unawain kung anong mga stressor ang puwedeng magsanhi ng mga pagbabago sa iyong kalusugan at kalagayan at matutong tukuyin ang mga palatandaan at sintomas ng stress sa iyong sarili.
Pagtatatuwa: Hangga't pinapahintulutan ng batas, walang pananagutan ang Open Briefing sa anumang pagkawala, pinsala, o abala na magreresulta sa anumang paggamit o maling paggamit sa sangguniang ito.