Kaligtasan at seguridad
Mga tala para sa patnubay
1. Hangaring maunawaan at mapangasiwaan nang mas maayos ang mga panganib na iyong kinakaharap:
a. Isipin kung sino ang iyong mga kakampi at kalaban. Unawain ang mga madudulugan at network na maaaring gamitin ng iyong mga kakampi upang ipagtanggol ka. Unawain ang mga kakayahan at layunin ng iyong mga kalaban upang mas maayos mong maisaalang-alang ang kanilang banta.
b. Isipin kung paano tumitindi o nababawasan kung gaano ka kadaling atakihin o kadaling maapektuhan ng mga banta dahil sa iyong ginagawa, pagkakakilanlan, mga diskarte, at iba pang salik at katangian.
c. Pag-aralan ang posibilidad na may mangyaring pang-aatake o iba pang insidente at ang magiging epekto nito kung mangyari ito upang maunawaan ang tindi ng panganib na puwede mong makaharap.
d. Gumawa ng mga kongkretong hakbang upang mapaliit ang posibilidad at/o mabawasan ang epekto ng mga panganib na puwede mong makaharap.
2. Maging alisto sa mga nangyayari sa paligid mo at sa anumang pagbabago sa mga tao at bagay na nakapaligid sa iyo.
3. Hilingin sa isang pinagkakatiwalaan at may kakayahang kaibigan, katrabaho, o kapamilya na maging iyong contact para sa kaligtasan. Kapag matindi ang panganib, pauna siyang abisuhan kung saan ka pupunta, kung ano ang gagawin mo, at kung kailan ka babalik. Makipag-ugnayan sa iyong contact para sa kaligtasan sa mga napagkasunduan ninyong regular na oras buong araw. Pagkasunduan ninyo kung ano ang gagawin niya at kung kanino siya makikipag-ugnayan kung wala siyang maririnig mula sa iyo.
4. Kapag lubhang mapanganib ang panahon o lokasyon, bumiyahe kasama ng mga kaibigan, kapamilya, o katrabaho o humiling ng internasyonal na pamproteksyong suporta.
5. Ihanda ang iyong pamilya at mga katrabaho upang mas madali nilang makayanan kung mangyari man ang pinakakinakatakot ng lahat:
a. Gumawa ng habilin at tiyaking alam ng iyong pamilya kung nasaan ang mahahalaga mong dokumento sa pananalapi at dokumentong legal.
b. Bumuo ng plano ng pagpapatuloy kasama ng mga katrabaho upang patuloy silang makapagtrabaho kahit wala ka.
c. Tulungan ang iyong pamilya at mga katrabaho na bumuo ng mga plano upang magawa nilang lumipat, makapagtago o makahingi ng asylum, o masiguro sa iba pang paraan ang kanilang kaligtasan mula sa anumang pagganti.
6. Kung posible, tapusin ang pagsasanay para sa komprehensibong seguridad na idinisenyo para sa mga tagapagtanggol ng mga karapatang pantao. Pag-isipan ding tapusin ang pagsasanay para sa advanced na paunang lunas at bumili ng mga pang-indibidwal na trauma kit para sa iyong tahanan, sasakyan, at opisina.
7. Unawain ang tindi ng panganib na maaaring makaharap mo at ng iyong pamilya na handa mong tanggapin. Huwag matakot na humingi ng tulong o huminto sa pagtatrabaho kung maging mas lubhang mapanganib ang sitwasyon kaysa sa handa mong harapin.
Last updated
